Kalahating Oras ver. 2.0
Ano ba ang magagawa ng tatlumpung minuto sa buhay natin?
“Guys baba na tayo! EeeKay na!”
Nakarating na pala kami sa Enchanted Kingdom. Tagal ko nang di napunta dito. Huling apak ko sa lugar na ‘to 3rd year hayskul pa. Ngayon college graduate na’ko. Nakakamiss nga naman ang mga rides na talagang babaliktarin ang sikmura mo. Noon isang ride na nakakatakot lang ang sinakyan ko, yun ang Anchor’s Away. Nakakatakot ito para sakin dahilan sa may takot ako sa mga matataas na lugar at sa pakiramdam na nahuhulog. Pero ngayon, balak kong tapatan ang takot na nararamdaman ko at sasakyan ko, ng kahit isang beses man lang, ang lahat ng nakakatakot na ride dito. Susulitin ko na rin ang Ride-All-You-Can ng EK.
Dumaan ang ilang oras na walang sawang katatawanan at sigawan sa saya ng mga ginawa namin dito. Biglang naisipan ng grupo na magsama-sama na ang mga mag-on. Ewan ko ba kung bakit nila naisip yun, Di naman karamihan ang magkarelasyon sa section namin. Sinabi ko ito sa kanila, kaya ang ginawa nalang ng class president namin: Pumunta sa bagong gawang Tunnel of Love at mag random pair-up doon. Maraming babae kaysa lalaki sa section namin. Ayos lang naman sa iba kung babae sa babae dahil magkakaibigan naman sila. Eh paanu kaming mga lalaki? siguro ayos lang sa mga guy classmates ko kung mag-pair up sila sa babae dahil lagi naman silang gumigimik. Eh ako?! mapupuno ng katahimikan ang bangkang sasakyan namin ng partner ko. Kung alam ko lang, di na sana ako nagsalita pa tungkol dito.
Napilitan na lamang akong pumila. Last day na nga naman namin bilang magkakaklase, bahala na lang kung anung kagaguhan ang maganap. Sana lang matino ang makasama ko.
Lahat naman ng nauna sa ‘kin ayos lang talaga na mag-partner sila. Sabi ng mga nauna, talaga daw maganda sa loob, 30 minutes daw yung isang pasada. Di mo iisiping ganoon pala kahaba ang byahe. Dahil na rin siguro para sa mga gustong magkaroon ng sariling oras, lalo na sa mga taong may kasintahan. Talagang magiging sweet ang moments ng magkarelasyon sa loob.
Paanu naman yung hindi?! Paanu na’ko?!
Dumaan ang ilang sandali, at ako na pala ang susunod. Ilang beses nang dumaan sa isip ko na mag-backout sa kalokohang ako ang dahilan kung bakit nangyayari. May harang pala sa bawat pares kaya talagang di mo malalaman kung sino ang kasama mo hangga’t di ka nakapila sa mismong pasukan. Nabigla na lamang ako sa naging partner ko.
“Karen…!” Napatingin ako sa babaeng sasamahan ko.
“Alex?!” Ganun din sya sa akin.
“Ikaw partner ko?” Tanong ko sa kanya
“Ha? Ewan…!” Sagot nya.
“Uuuuuuuy! yikeeeee hahahah!” sabay tukso ng mga kaklase ko.
Pareho naming ayaw tumuloy. Dahil na rin siguro sa di kami naguusap kung di naman kailangang magusap. Di rin kami nagpapansinan. Tatlong taon akong asar na asar sa kanya. Marahil nagtataka kayo: “Paanu yung isang taon?” Isang taon lang naiba ang pananaw ko sa kanya. Isang araw ko ring ginawang tanga ang sarili ko dahil sa ginawa ko para sa kanya.
“BILISAN NYO NGA! AMBAGAL!” Sambit ng isang kong kaklase.
“Sige sige sige!” Sigaw ko sa kanila.
“Tara, para matapos na.” Sabi ko kay Karen.
Sumakay nalang kaming dalawa sa isang pulang bangka. “30 minutes lang naman eh, kaya natin ‘to” paalala ko kay Karen. Ngunit, ang 30 minutes na iyon ang sigurong pinakamatagal kong 30 minutes sa buong buhay ko. Di ko inaasahan ang pangyayaring magaganap sa loob ng 30 minutes
“Haaaay…bakit ganito?!” Napa isip ako. Ang tahimik. Walang kumikibo sa amin. Narito ako, nagkukunwaring may ka-text para lang sabihin na may ginagawa ako. Sya naman, naka iPod. Nakaka-asar na nakakabagot na di mo maintindihan ang pakiramdam ko noon.
Marahil para sa inyo normal na bagay lamang ang ma-inlove. Araw araw nyo namang nasasabi na “Uy! Crush ko yun!” sa kahit sinong tao na sa tingin nyo ay bagay sa inyo. Ngunit naiiba ako. Hindi ko priority ang magmahal ngayong kolehiyo. Hangga’t maari nga, maging pusong bato ako hangga’t sa grumaduate ako. Pero iba ang nangyari sa akin kung kailan paalis na kami. Tyaka ko lang nalaman na iba na ang turing ko kay Karen. Dati kapag nakikita ko sya, napapagtabi ko ang kilay ko sa kaasaran ko sa kanya. Ngunit nitong nakaraang taon? tuwing nakikita ko sya, ganun pa rin. Napapagtabi ko ang kilay ko sa kaasaran. At titingin uli ako, at pagtatabihin na naman ang kilay ko. At uulitin ko ito hangga’t sa mawala sya sa paningin ko. Maya’t maya ay napansin ko na lamang na iniisip ko na sya bago ako matulog. Na tuwing nagsusulat ako, sya ang laman ng isipan ko. Di ko talaga inasahan na sa lahat ng magagandang babae sa kolehiyo eh sya pa ang napili ng puso ko.
“Eto na ang pagkakataon ko!” Sinabi ko sa sarili ko habang sakay kaming dalawa sa bangka sa loob ng Tunnel of Love. Naisip ko na magtapat na ako sa kanya, na sabihin ko na ang nararamdaman ko bago pa man mahuli ang lahat.
“Bahala na! mangyari na ang mangyari!” sabay lunok ko ng takot.
“Karen…may sasabihin ako.”
Sabay hugot ng earphones “Ano?”
“May sasabihin ako. Habang tayong dalawa lang ang nakakarinig. Matagal ko na rin ‘tong gustong sabihin.”
Tahimik na nakinig si Karen sa bawat salitang binitiwan ko. Bakas sa mukha nya ang pagtataka kung anu nga ba ang itinago ko sa loob ng apat na taon namin bilang magkaklase.
“Karen mahal kita…” Sinabi ko ito ng buong tapang ng loob ko.
Sandaling nanahimik si Karen. Habang nakatingin sa kawalan at marahil di malaman ang sasabihin tungkol sa bigla kong pag amin ng aking damdamin.
“Karen” Sabay harap ni Karen sa akin “…pasensya na kung binigla kita. Kaya nga dito ko sinabi, para tayong dalawa lang ang magkarinigan.”
Nagtatataka na sya at siguro wala na ring maisip na itanong “…b-bakit ako? bakit di nalang si–”
“Kasi ikaw ang gusto ko.” Sabay harap sa mga mata nya. “Karen, minsan lang ako makaramdam ng ganito. Kaya alam kong ikaw ang gusto ko…”
“P-pero…di ko kasi balak–”
Inistorbo uli ang sasabihin nya “Wag ka magaalala…di pa naman ako nanligaw sa buong buhay ko. Kaya strike 3 na’ko sa yo.”
“…strike 3?”
“Oo, tatlong beses palang akong nagmahal ng babae. At tatlong beses ko na rin inisip na hanggang titig na lang ako. At oo, ikaw ang pangatlo.”
“Hanggang titig? panu mo naman nasabi yun?”
“Kasi, lahat ng babaeng minahal ko, talagang iba ang kaledad. Parang, ang taas nila na di ko sila kayang abutin kaya hanggang titig na lang ako.”
“Ganun lang? di mo man lang sinubukang manligaw?”
“Karen…di siguro halata kasi di nyo pa ako nakikitang matakot pero…”
“Pero…?” pagtataka ni Karen
“Takot akong masaktan.” Biglang yuko ko sabay hawak ng mahigpit ng aking mga kamay. “Takot akong masaktan Karen. Kaya di ko kayang magka-girlfriend.”
“Takot kang masaktan eh di mo pa nga nasusubukan! anu ka ba? giving up without even trying is an act of cowardice, sana sinubukan mo man lang para alam mo ang pakiramdam…”
Sabay bigla kong sinagot “…Ng masaktan? wag na. Mas gusto ko pang maging pusong bato kaysa pusong laging nagdurusa.”
“Nagdurusa?! di mo pa nga alam ang feeling gaganyan-ganyan ka na?! eh anu kung masaktan ka? at least you tried diba?!”
“Di kasi ganung kadali yun sa inaakala mo. Siguro sa mga pelikula napapanood mo laging iba ang trip ng lalaki pag nanliligaw. Pwes, ibahin mo ‘ko. Dahil kung susubukan ko man, at sakaling makuha ko ang matamis na OO, di ko na alam ang gagawin ko pa pagkatapos. Kumbaga, hanggang ligaw lang ako kung susubukan ko. Kaya siguro naisip kong di na rin ako magaasawa pag tanda.”
“Bakit naman?” Tanong ni Karen.
“Di ko alam…di ko alam kung paanu maging mabuting boyfriend. Ang korni ng reason pero…natatakot akong masaktan dahil sa kakulangan ko sa pagiging isang boyfriend. Ayoko naman ng ganun, na di ko man lang napasaya yung girlfriend ko na ang taas taas ng expectation sa’kin tapos wala pala akong kwenta!” napasigaw ako ng kaunti.
“Di ka marunong? eh panu ka matututo kung di mo nga susubukan?” tumigil sya sandali at “Alex…kung talagang mahal mo ang isang tao…dapat, kahit di mo alam ang mangyayari, handa mong gawin ang lahat ng kaya mo para sa taong ‘yon. Syempre lahat nagsisimula sa first time. Kaya nga first eh. Talagang masakit madapa sa umpisa, pero sa katagalan…natututo ka nang umiwas sa pagkadapa. At kung sakaling madapa ka uli, mas mabilis na ang pagtayo dahil alam mo na ang pakiramdam.”
“Tama ka…pero…tulad nga ng sabi mo, kelangan ko pang madapa bago ako masanay madapa.” Huminga ako ng malalim “Tapos strike 3 pa’ko sayo…”
“Ayan na naman ang strike 3 na yan…Sabihin mo nga sa ‘kin: Mahal mo ba talaga ako?”
Nagtaka ako sa bigla nyang pagtanong nun. Buong tapang nyang tinanong yun sa mukha ko.
“OO,Mahal kita Karen…”
“Eh ba’t ayaw mo man lang subukang ligawan ako?” Tanong nya.
“Di ba nga sinabi mo na rin na ayaw mo magka BF?” Sagot ko.
“Malay mo magbago isip ko! Anu ka ba? ang duwag mo naman!” Sagot nya sa sagot ko.
“Tyaka…”
“Tyaka ano?”
“Di ako marunong…maging boyfriend…tulad ng sinabi ko kanina. Kaya nga single for life nalang ako sigurado. Wala na talagang babaeng magmamahal sa kin.”
Sandaling katahimikan ang nagbalot sa aming dalawa. Sabay…
“Alex…takot kang manligaw kasi di mo alam kung paano maging boyfriend diba?”
“…oo.” Payuko kong sinagot ang tanong.
Nagulat nalang ako sa sumunod na nangyari. Hinawakan nya ang kanan kong kamay…
“…tutulungan nalang kita.”
Wala akong masabi ng mga oras na yun. Di ko alam kung ang nasa isip ko ang ibig sabihin ng sinabi nya. Sinundan pa nya ng…
“…basta tulungan mo din ako. First time kong maging girlfriend eh…” sabay ngiti nya.
Tapos biglaan ang mga sumunod na pangyayari. Bigla syang napapapikit sa harapan ko. At para bang unti unting lumiliit ang pagitan ng aming mga labi. Isang matamis na halik. Simple, madali, pero puno ng pagmamahal at kaligayahan para sa isa’t isa.
============================
Shortened this since the first entry was too long and had too much information which were unnecessary by nature.